Smugglers unahin bago si Pacman
MANILA, Philippines - Dapat unahin muna ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang paghahabol sa mga smuggler bago si Sarangani Congressman Manny Pacquiao.
Ayon sa ama-amahan ni Pacquiao na si Buhay parytylist Rep. Lito Atienza, dapat magdahan-dahan ang gobyerno sa paghahabol sa Pambansang Kamao kaugnay sa tax case nito. Ito ay kahit na nagkaroon na ng paglilinaw na walang freeze order sa bank deposits ni Pacquiao mula sa Court of Tax Appeals (CTA).
Giit ni Atienza, dapat unahin ng gobyerno ang paghahabol sa mga smugglers dahil pinapadapa nito ang ekonomiya ng bansa. Subalit hindi umano kinakikitaan ang pamahalaan ng kamay na bakal laban sa mga smugglers.
Paliwanag pa ng kongresista, dapat na maging sensitibo ang gobyerno dahil buhay ang tinataya ni Pacquiao sa bawat laban nito kaya umaangat ang pamumuhay ng Pambansang Kamao.
Pinayuhan naman ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. si Pacquiao na kumuha ng magaling na abogado. Nilinaw din ng Speaker na hindi makikialam ang Kamara sa kaso ni Pacman.
Katwiran ni Belmonte labas ang Kamara sa nasabing isyu dahil personal ito.
- Latest