MANILA, Philippines - Nakinabang din ang Commission on Audit (COA) sa pondo mula sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program o DAP.
Sa budget hearing ng Senado kahapon, iginiit ni Sen. Jinggoy Estrada na dapat ipaliwanag ni Budget Secretary Butch Abad ang pagbibigay ng pondo sa COA mula sa DAP.
Kinumpirma mismo ni COA Chairman Maria Gracia Pulido Tan na tumanggap ang COA ng P143 milyon mula sa DAP noong nakaraang taon na ginamit sa pagbili ng mga computers at maÂging sa pagkuha ng mga information technologists at consultants.
Sa nasabing pondo rin umano kinuha ng COA ang mahigit sa P5 milyon na ipinambili ng dalawang sasakyan na ang isa ay ipinagamit kay COA Commissioner Heidi Mendoza.
Inungkat ni Estrada ang sinabi ni Abad na namudmod sila ng pondo para sa DAP sa mga mambabatas at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa mga “fast moving projects†upang mapasigla ang ekonomiya.
Ipinunto ni Estrada na ang pinaggamitan ng COA ng pondo mula sa DAP ay hindi pampasigla ng ekonomiya.
Matatandaan na ginamit ng Malacañang bilang depensa ang DAP ng ibunyag ni Estrada ang ginawang pamimigay ng pondo ng Palasyo sa mga senador matapos ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Samantala, inaprubahan na kahapon ng Senado ang panukalang P2.264 trilyon national budget para sa susunod na taon.
Tinanggal sa nasabing budget ang P3.2 bilyon na kumakatawan sa PDAF ng mga mambabatas na idineklarang unconstitutional ng Supreme Court at maging ang P200 milyon pork barrel ni Vice President Jejomar Binay.