30 years kulong sa illegal possession: ‘Marcosian’ law vs baril ‘go’ na

MANILA, Philippines - Bago magtapos ang taong 2013, ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang ‘Marcosian’ law o ang bagong batas sa pagbibitbit ng baril sa buong bansa.

Ito’y matapos lagdaan kahapon ni PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa bagong batas ang Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions and Providing Penalties for Violations .

Sinabi ni Purisima, ang IRR ay malaki ang maitutulong sa PNP upang mabawasan ang mga krimen na may kina­laman sa baril at mapagtibay pa ang epek­tibong kampanya kontra loose firearms o mga baril na walang lisensya.

Sa ilalim ng bagong IRR, nagpapataw ito ng “Marcosian penalties’ tulad ng pagkakakulong ng 30 taon sa kasong illegal possession of firearms.

Una nang nagsagawa ng pakikipagpulong ang PNP sa iba’t-ibang stakeholders mula sa pamahalaan at mga pri­badong sektor upang tiyakin na magiging maayos ang ipatutupad na IRR.

“Even before the passage of RA 10591, the PNP has always been in forefront in enforcing laws under the regulation of firearms. Crafting this IRR will ensure that the law will be observed and enforced properly”,  giit naman P/Dir. Gil Meneses, Director ng Civil Security Group.

Sa panig ni PNP Spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor, sinabi nito na ilalathala nila sa mga pahayagan ang nilagdaang IRR at matapos ang 15 araw kasunod ng paglilimbag nito ay aarangkada na ang bagong batas sa pagdadala ng mga armas.

Sinabi ni Mayor, ang  bagong batas sa pagbitbit ng baril ay mas mahigpit ang nilalaman ng probisyon.

Kabilang sa mga parusa na ipapataw sa mga mahuhuling lumabag ay ang pagkakulong at nakadepende pa ito sa bigat ng kanilang mga kaso.

Show comments