Maagang pagpapalabas ng IRA sa mga sinalanta ng unos isinulong

MANILA, Philippines - Isang resolusyon ang inihain sa Senado na nag­lalayong ipalabas ng mas maaga ang Internal Revenue Allotment (IRA) share para sa 2014 ng mga Local Government Units (LGUs) na sinalanta ng nagdaang kalamidad sa bansa.

Sa Senate Resolution 366 na inihain nina Senators Francis “Chiz” Escudero at Ralph Recto, hinikayat ng dalawang senador si Pangulong Benigno Aquino III na ipag-utos ang maagang pagpapalabas ng IRA upang magamit sa mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Naniniwala ang dalawang senador na lubhang kailangan ng mga Local Government Units (LGUs) ang pondo para sa rehabilitasyon.

Ayon kay Escudero ang mga LGUs sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda ay aasa lamang sa  kanilang share ng  IRA  para sa rehabilitasyon at reconstruction efforts.

Nauna ng hiniling ng ilang senador sa Malacañang na gamitin ang pondo mula sa Malampaya, ang natural gas project sa Palawan na inaasa­hang kikita ng P26 bilyon sa royalties sa susunod na taon.

Ayon kay Recto ma­aaring magamit ang Malampaya funds sa restorasyon ng electric power infrastructure sa mga probinsiyang sinalanta ng bagyo.

Iginiit ni Recto na ang bahagi ng Malampaya funds ay puwedeng idaan sa National Power Corporation (NAPOCOR) at National Electrification Administration (NEA)  para masimulan ang rehabilitasyon.

 

Show comments