MANILA, Philippines - Hindi pabor ang ilang senador sa panukala ni Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano na ipagpaliban ang sesyon ng Senado sa Lunes upang hindi maabala ang mga department secretaries na busy sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas.
Ayon kay Sen. Vicente Sotto III, hindi naman kailagang nasa Leyte lahat ang mga department secretaries maliban kina Defense Secretary Voltaire Gazmin at DSWD Sec. Dinky Soliman.
Naniniwala si Sotto na mahalaga ang pagsasalang ng panukalang 2014 national budget at hindi dapat paikliin ang interpelasyon tungkol dito.
Ayon naman kay Senate President Franklin Drilon, pag-uusapan pa sa gagawing caucus ng mga senador sa Lunes ang panukala ni Cayetano.
Pabor din si Sen. Sonny Angara na tinawag pa niyang magandang idea ang panukala dahil mas mapagtutuunan ng pansin ng buong pwersa ng gobyerno ang relief operations sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.
Kabilang sa mga nakatakdang talakayin ng Senado sa pagbabalik ng sesyon ang resolusyon na naglalayong tuluyang ibasura ang pork barrel funds ng mga senador.