Tigilan ang sisihan at turuan - CBCP

MANILA, Philippines - Umapela ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kababayang Pinoy na tigilan na ang pagsisisihan at pagtuturuan hinggil sa sinasabing mabagal na tulong sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda na mas nagpapatindi sa kalituhan at galit ng mga mamamayan.

Ayon kay CBCP incoming president at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na sa panahong ito ng kalamidad ay walang pinakamainam na gawin kundi ang magtulungan sa halip na magsisihan.

Sinabi pa ng Arsobispo na hindi kaya ng pamahalaan at mga NGOs na gawing mag-isa ang relief at rehabilitation efforts dahil sa napakalaking pinsala ng bagyo, kaya’t dapat aniyang lahat ay magkaloob ng tulong.

Iminungkahi pa ni Villegas na bawat church groups at religious organizations ay mag-adopt ng isang parokya mula sa Diocese of Borongan, Samar, na may 32 parokya at Archdiocese of Palo, Leyte, na may 64 parishes.

Sa ganitong paraan aniya ay mas direktang matutulungan ang bawat parokya sa relief ngayon at rehabilitasyon sa mga susunod na araw.

Hinimok rin ng arsobispo ang mga mananampalataya sa buong bansa na makiisa sa tatlong minuto ng katahimikan na oobserbahan ganap na 6:00 ng gabi sa Nobyembre 23.

“Prayer works. We cannot rebuild our nation without God. We cannot rebuild without prayer,” dagdag pa ng arsobispo.

 

Show comments