MANILA, Philippines - Ipinatupad ng Department of Health ang price freeze sa mga gamot sa lahat ng mga pharmacy at drug stores. Sakop ng price freeze ang may 200 pinaka-kinakailangang gamot para sa iba’t ibang sakit na maaaring tumama sa mga biktima ng pananalasa ng super typhoon Yolanda tulad ng physical at mental trauma, diarrhea, pneumonia, sakit sa balat, mga impeksyon gaya ng leptospirosis, diabetes, hypertension at hika.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act, mandato ng DOH na awtomatikong ilagay sa price freeze o kaya ay magpatupad ng maximum price ceiling sa mga mahahalagang gamot na itinuturing na basic commodities.
Kasama sa ipinalabas na kautusan ni Ona ang listahan ng mga gamot na saklaw ng price freeze, pati na ang suggested retail price ng lowest cost quality ng mga generic drug para magabayan ang mga consumer.
Ang price freeze ay ipinatutupad sa lahat ng pampubliko at pribadong drug retail outlets sa buong bansa kabilang na ang mga hospital pharmacies.