MANILA, Philippines - Bibigyang pagkilala ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga dayuhan na kusang nagbigay ng tulong sa mga lalawigan na sinalanta ng super typhoon Yolanda.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ire-recognize nila sa pagbabalik sesyon ang lahat ng foreign entities na walang sawa at agad na nagbigay tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo tulad sa Leyte, Samar, Cebu, Capiz, Antique at iba pang probinsya sa Visayas, Southern Luzon at Northern Mindanao.
Nagpasalamat din ang liderato ng Kamara sa napakalaking tulong ng mga dayuhan na bumuhos matapos ang kalamidad.
Umabot na sa mahigit 30 bansa ang nagbigay ng tulong at mga donasyon sa mga biktima ng bagyo na nagkakahalaga ng 3.8 billion.
Subalit apela naman ni Belmonte sa mga kababayan na bukod sa tulong sa mga dayuhan ay dapat mismong tayo ding mga Pilipino ang siyang magtulungan sa ganitong mga krisis na nararanasan.