MANILA, Philippines - Hindi pa man nakakabangon ang bansa sa paghagupit ng bagyong Yolanda partikular sa Kabisayaan ay isa na namang bagyo na pinangalanang ‘Zoraida’ ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kahapon ng madaling araw.
Alas-11:00 ng umaga kahapon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) namataan ang mata ng bagyong ‘Zoraida’ sa layong 830 kilometro timog silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras.
Bunga nito, ayon sa PAGASA, nakataas ang signal number 1 sa mga lalawigan ng Siquijor, Southern Cebu, Bohol, Negros Oriental, Southern Negros Occidental sa Visayas gayundin sa Dinagat Island, Siargao Island, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao del Norte, Samal Island, Bukidnon, Misamis Oriental at Camiguin Island sa Mindanao.
Ngayong Martes, si ‘Zoraida’ ay inaasahang nasa layong 160 kilometro silangan timog silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.