MANILA, Philippines - Naging maigting ang labanan sa pagitan ng ‘Team Judiciary’ ng Korte Suprema at ‘Team PNP Hinirang’ ng Philippine National Police sa pagtatapos ng ‘1st UNTV Basketball Cup’ sa Smart Araneta Coliseum noong Nobyembre 5 na personal na pinanood ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Dumaan muna sa ‘butas ng karayom’ ang Team Judiciary bago tuluyang nanaig sa Team PNP sa score na 86-83 sa kanilang ‘best-of-three’ final series at maiuwi ang P1 milyon premyo.
‘Jam-packed’ ang buong Smart Araneta sa ginanap na final game at lahat ay nasorpresa sa ginawang pagdalo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno upang pangunahan ang mga opisyal at empleyado ng SC sa pagpapakita ng kanilang suporta sa kanilang team.
Ito ang unang pagkakataon na makita ng publiko ang Chief Justice sa isang malaking social event at mamasdan ang isang bahagi ng kanyang personalidad na katulad ng ibang basketball fans ay masayang sumisigaw pabor sa kanyang team.
Sa kabilang panig, dumalo naman si ex-PNP Chief Nicanor Bartolome upang pangunahan ang pagpapakita ng suporta sa Team PNP na nakopo naman ang P500,000 premyo.