MANILA, Philippines - Dahil sa pagtama ng super typhoon ‘Yolanda’, maraming tanggapan ng Department of Foreign Affairs-Regional Consular Offices (DFA-RCOs) na nagpoproseso ng mga aplikasyon ng pasaporte ang naapektuhan at pansamantalang sinuspinde ang opeÂrasyon ng dalawang araw.
Ayon sa DFA, inaabisuhan ang publiko na ang mga passport at authentication services sa mga DFA satellite offices na matatagpuan sa NCR-Central (Robinson’s Galleria), NCR-East (SM Megamall), NCR-West (SM Manila) at NCR-South (Metro Gaisano Alabang) ay suspindido ngayong Nobyembre 9.
Sinabi ng DFA na ang releasing o pagpapalabas ng pasaporte ay suspindido rin at magbabalik na lamang operasyon nito sa Lunes, Nobyembre 11.
Ayon sa DFA, sarado kahapon at ngayong araw ng Sabado ang mga RCOs sa Tacloban, Legazpi, Cebu, Bacolod, Iloilo, Lipa at Lucena na matinding hinagupit ni ‘Yolanda’.
Ang nasabing bagyo ay tinagurian ng Estados Unidos na ‘strongest typhoon of the world’ at sa kasaysayan ay ito na ang pinakamalakas sa lahat ng mga nagdaang bagyo na tumama sa Pilipinas at sa mga dadaanan pa nito.