MANILA, Philippines - Hindi lamang sa pagkaing nabibili sa semenÂteryo pinag-iingat ngayong Undas ang publiko kundi maging sa mga sakit lalo na ang dengue.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, mas mabuting magsagawa ng kaukulang pag-iingat ang publiko tulad nang pagpapahid ng mga mosquito repellent lotion bago magtungo sa sementeryo upang hindi makagat ng lamok.
Simula Enero 1 hanggang Oktubre 19 ay nakapagtala na ang DOH ng 154,833 dengue cases sa bansa, kung saan 545 sa mga ito ang kumpirmadong nasawi.
Samantala, kumbinsido ang ilang scientists na may nadiskubre silang bagong serotype ng dengue virus sa Sarawak, Malaysia. Sa kasalukuyan ay mayroong apat na serotype ng dengue virus
Bunsod umano ng pagkadiskubre ng bagong virus ay inaasahang lalong magiging kumplikado ang pag-develop ng bakuna laban sa naturang sakit.
Gayunman, ayon kay Duane Gubler, isang dengue expert sa Duke-NUS Graduate Medical School sa Singapore, maaari namang makatulong ang discovery upang matukoy ang pinagmulan ng pathogen at kung nag-e-evolve ba ito sa mas matinding banta.
Ayon sa mga scientists, ang bagong virus na na diskubre sa Sarawak noong 2007 ay hinihinalang iba at phylogenetically distinct mula sa apat na orihinal na serotypes ng sakit.
Wala pang bakuna o gamot laban sa dengue, na ikinakalat ng mga lamok at nagiging sanhi ng lagnat, pananakit ng muscle at kasu-kasuan. Ang mga pasyente ay gumagaling ng kusa ngunit ang malalang kaso, kung saan nagkakaroon ng pagdurugo ang mga pasyente, ay nangangailangan ng agarang medical support dahil maaaring mauwi sa kamatayan.