PNoy, mga kapatid dumalaw sa puntod nina Cory at Ninoy

MANILA, Philippines - Upang makaiwas sa siksikan ng tao sa All Saints Day ay minabuti ni Pangulong Aquino at mga kapatid nito na dalawin ang puntod ng kanilang magulang na sina Sen. Ninoy Aquino Jr. at dating Pangulong Cory Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City kahapon.

Kasama ng Pangulo sina Ballsy Cruz, Pinky Abellada at Viel Dee at kanilang mga asawa. Dumating din ang actress na si Kris Aquino kasama ang mga anak na sina Bimby at Joshua.

Nagkaroon ng misa sa puntod ng magulang nina PNoy na pinangunahan ni Presidential Security Group chaplain Fr. Daniel Tansip at co-celebrant na si Fr. Larry Tolentino.

Nauna nang inihayag ng pamilya Aquino na magiging pribado lamang ang gagawing pagbisita sa puntod ng kanilang mga magulang kaya’t walang kasamang miyembro ng gabinete ang Pangulo nang magtungo ito sa nasabing sementeryo.

Bandang alas-11:00 ng umaga nang makaalis ang magkakapatid sa sementeryo.

Nakatakdang bisitahin naman ngayon (Oct 31) ni PNoy ang mga airport, seaport at bus terminal bilang paghahanda sa Undas at upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero na mag-uuwian sa kani-kanilang probinsiya ngayong Undas weekend.

Show comments