Karahasan 40 naitala sa brgy. polls

MANILA, Philippines - Umabot sa  40 insidente ng karahasan ang naitala ng PNP National Task Force SAFE (Secured and Fair Elections) bago ang pagbubukas ng mga polling precints kaugnay ng ginanap na Brgy. elections sa bansa kahapon.

Ayon kay PNP Deputy Director for Operations P/Deputy Director General Felipe Rojas, Commander ng National Task Force SAFE, sa kabuuang 40 insidente ng karahasan ay 22 ang nasawi, 34 ang nasugatan at 8 naman ang nawawala matapos na dukutin.

Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na mapayapa sa kabuuan ang isinasaga­wang halalang pambarangay kumpara sa mga nagdaang eleksyon.

Sinabi ni Rojas, karamihan sa mga naitalang insidente ng karahasan ay sa Mindanao kabilang dito ang mga lalawigan ng Lanao del Sur, Bukidnon, Cotabato, Maguindanao at iba pa.

Kabilang sa mga naitalang karahasan ay ang pananambang sa grupo ni Malitbog Bukidnon Brgy. Captain Algene Ocero dakong alas-11:15 kamakalawa.

Ang ambush sa isang election officer na kinila­lang si Atty. Merlinda Alvarez sa Brgy. Parina, Palanas, Masbate dakong alas-11:18 ng umaga na ikinasugat ng opisyal at dalawang pulis.

Bandang alas-7:00 ng umaga ay nasugatan naman ang kandidatong Brgy. Chairman na si Hermie Asao matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki sa Brgy. Kamaburingan, Basilan sa mismong pagbubukas ng halalan.

Iniulat din ni Rojas na isang insidente ng pagsabog ang naganap sa ta­hanan ni Provincial Prose­cutor Artemio Tajon sa Brgy. Zone II, Digos City, Davao del Sur dakong alas-12:50 ng madaling araw.

Ilang insidente rin ng ballot snatching ang naitala sa Basilan habang nagkaroon rin ng vote buying tulad sa Abra at Cavite. 

Sinunog din  ng mga armadong lalaki ang Danganen Elementary School sa Buldon, Maguindanao na gagamitin sanang pol­ling center.

Show comments