MANILA, Philippines - Noise pollution ang pangunahing problema na ipinararating ng mga mamamayan sa Commission on Elections.
Ayon kay Comelec spokesman Executive Director James Jimenez, ang matinding ingay na likha ng mga kandidato sa barangay election ang inirereklamo sa kanila ng mga residente.
Nakaugalian na sa panahon ng pangangampanya, ang mga kandidato ay gumagamit ng mga paulit-ulit na jingle na malakas ang volume upang marinig ng mga botante sa lugar na kanilang nasasakupan.
Ang mga sasakyan din umano na ginagamit sa mga motorcade ng mga kandidato ay nakadadagdag din ng ingay.
Ayon kay Jimenez dahil sa ingay na likha sa paÂngangampanya ng mga kandidato, marami ang nagreÂreklamo sa kanila.
Kaugnay nito ay nananawagan si Jimenez sa mga kandidato na sa oras ng pamamahinga o pagtulog ng mga mamamayan ay iwasan ang paglikha ng ingay sa kanilang pangangampanya.
Napag-alaman din kay Jimenez na mayroon na ring anim na kaso ng premature campaigning na naisampa sa kanilang tanggapan.
Sa ngayon ay minomonitor ng Comelec ang paggastos o overspending ng mga kandidato, mga ginagamit na posters at tarpaulin na aniya ay dapat naaayon lamang sa tamang sukat.