MANILA, Philippines - Bunsod umano ng katamaran, pinarusahan ng Korte Suprema ang isang hukom sa San Fernando, La Union.
Sa desisyon ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ng SC Second Division, napatunayan na si Judge Santiago E. Soriano ay nagkasala ng gross inefficiency and gross ignorance of the law sa pagdedesisyon sa ilang kaso sa panahon ng kanyang compulsory retirement noong 2006.
Pinagmulta si Judge Soriano ng halagang P40,000 na ibabawas sa kanyang retirement benefits.
Ang parusa sa hukom ay bunga ng ginawang judicial audit and inventory ng Office of the Court Administrator (OCA) sa mga nakabimbing kaso sa MTCC, Branch 2, San Fernando City, La Union at sa MTC, Naguilian, La Union.
Natuklasan ng audit team ng OCA na may 59 kaso na submitted for decision sa MTCC, Branch 2, San Fernando City, La Union, habang may 57 kaso na lampas na sa itinatakdang panahon na madesisyunan o reglementary period.
Umaabot naman sa 41 kaso sa MTC, Naguilian, La Union na submitted na for decision, 39 na usapin naman ang lampas na sa petsa para hatulan.
Binigyan naman ng pagkakataon ng OCA si Judge Soriano na lutasin ang mga natitirang kaso at mga mosyon ngunit nabigo pa rin ang hukom na maresolba ang 36 na kaso sa MTC at MTCC, na dapat madesisyunan niya bago sana siya nagretiro noong July 25, 2006.
Ayon kay Justice Carpio, indikasyon lamang ito na nagpabaya sa kanyang tungkulin si Judge Soriano.
Nabatid rin na dahil umano sa pagpapabaya, naiwala rin ni Judge Soriano ang mga record ng apat na kaso na kanyang hawak.