Sa pagdepensa kina Jinggoy, Bong Robin kinuyog

MANILA, Philippines - Nadismaya ang mga organizer ng Million People March maging ng Simbahang Katoliko sa tila ginawang pagtatanggol ng aktor na si Robin Padilla sa mga kapwa aktor nito na sina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla na nahaharap sa kontrobersiya dahil sa umano’y ilegal na paggamit ng kanilang milyon-milyong pork barrel funds.

Ayon kay Raymond Palatino, lider ng Scrap Pork Network, isang al­yansa na nasa likod ng mga pagkilos laban sa pork barrel, ang agarang pagdepensa ni Padilla  kina Revilla at Estrada bilang mga “sacrificial lamb” ay wala umanong basehan lalo at hindi naman ito suportado ng mga dokumento na magpapatunay na walang kasalanan ang dalawang senador.

Bagamat iginagalang umano nila ang opinyon ni Padilla ay mali naman umanong sabihin na para sa 2016 presidential election ang dahilan kung bakit nasasabit sa kontrobersiya ang dalawang senador.

Una nang sinabi ni Padilla na sinisiraan lamang sina Revilla at Estrada dahil na rin sa matunog ang pangalan ng mga ito para sa 2016 election na napipisil ng kanilang partido na tumakbo bilang pangulo at pangalawang pangulo.

Tila nawalan umano ng tapang ang panawagan ni Padilla sa pagbibitiw ni Senate President Franklin Drilon nang agad na linisin naman ang mga kaibigang sina Revilla at Estrada.

“Ipinanawagan nya (Padilla) na magbitiw si Drilon pero paano na sina Revilla at Estrada na kinasuhan na sa Office of the Ombudsman na sangkot din sa scam, parang lu­malabas tuloy hindi pala sincere ang panawagan niya kasi selective lang. Kung kaibigan nya ang dalawang senador mas magandang tumahimik na lang at hindi agad na linisin ang pangalan nito nang walang katapat na ebidensya din,” dagdag pa ng grupo.

Sa panig naman ng Simbahang Katoliko sinabi ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz na hindi maitatanggi na may implu­wensiya din si Padilla bilang kilalang aktor sa showbiz industry at ang ginawa nitong pagtatanggol sa dalawang kabigang senador ay hindi maiiwasan gayunpaman mainam umanong hayaang gumulong ang imbestigasyon, magkaroon ng mabusising paglilitis at magharap ng mga ebidensya.

Malakas ang panawagan ng Simbahang Katoliko na ibasura ang pork barrel at mapanagot ang mga tiwaling pulitiko na nagkamal ng pondo ng pamahalaan para sa pansariling luho.

 

Show comments