Lacson at Pia tumanggap ng pondo mula sa DAP

MANILA, Philippines - Nabunyag sa hearing kahapon sa Senado na ma­ging sina dating Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senator Pia Cayetano ay nagkaroon din ng pondo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Sa budget hearing sa Senado, inamin ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Mario Montejo na nabigyan sila ng pondo mula sa DAP nina Cayetano at Lacson na nagkakahalaga ng P40 milyon.

Ang P30 milyon umano ay mula sa DAP ni Lacson samantalang P10 milyon naman ang kay Cayetano.

Ang nasabing pondo umano ng dalawang senador ay ginamit ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) para mag-develop ng “complementary baby food” para labanan ang malnutrisyon sa bansa at suportahan ang breastfeeding program ng gobyerno.

Sinabi ni Montejo na suportado ni Lacson ang kanilang programa para sa pag-develop ng baby food.

“Si Senator Lacson was very supportive of the complementary baby food. It’s not really a feeding program. It’s field testing. We measure kung ano ba talaga ang effect, kung ito ba ay dapat i-roll out talaga,” pahayag ni Montejo.

Pero sa isang text message, sinabi ni Lacson na hindi niya alam na ang nasabing pondo ay inilagay sa ilalim ng DAP.

Maaari aniyang ang pondong ipinalabas para sa DOST ay inilagay ng pondo sa plenaryo.

Isa si Lacson sa mga senador na hindi tumanggap ng kaniyang pork barrel noong miyembro pa siya ng Mataas na Kapulungan.

 

Show comments