MANILA, Philippines - Napanatili ng bagyong ‘Quedan’ ang kanyang lakas habang patuloy na binabagtas ang karagatang sakop ng Philippine Sea.
Alas-11:00 ng umaga kahapon, si ‘Quedan’ ay namataan ng PAGASA sa layong 800 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna.
Si ‘Quedan’ ay patuloy ang pagkilos pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 7 kilometro bawat oras.
Ngayong Martes, si ‘Quedan’ ay inaasahang nasa layong 900 kilometro silagan ng Virac, Catanduanes at sa Miyerkules ay inaasahang nasa layong 1,150 kilometro silangan ng Baler, Aurora at sa Huwebes ng umaga ay inaasahang nasa layong 1,190 kilometro silangan ng Tuguegarao City
Nilinaw ni Fernando Cada, weather forecaster ng PAGASA na wala pa namang direktang epekto ang bagyo sa bansa at hindi rin ito magpapalakas sa habagat.
Anya, may minsang pag uulan sa Metro Manila dulot ng habagat habang Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) naman ang pag-uulan sa Palawan, Visayas at Mindanao.