2 anak ng OFWs nag-top sa board
MANILA, Philippines - Dalawang anak ng OFWs ang kabilang sa top 10 ng licensure examination para sa registered electrical engineers sa katatapos na pagsusulit noong nakalipas na buwan.
Binigyang pagkilala ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon ang dalawang scholar ng OWWA na mapalad na nakapasa sa board examinations na sina Melvin Lacia at Leo Barcenas.
Si Lacia na nagtapos sa Mindanao State University-Iligan Institue of Technology bilang Magna Cum Laude ay nasa ika-limang puwesto habang si Barcenas na nagtapos sa UP-Diliman, Quezon City bilang Cum Laude ay ika-6 sa Engineering Exams noong Setyembre 7 at 8.
Sa recognition lunch para sa mga scholars noong Abril, hinamon ni Dimzon ang mga iskolar ng OWWA lalo na ang may honors na mag-top sa board examinations.
Ang OWWA ay maraming scholars na nagtapos na may honors. Nito lamang 2013, may dalawang Summa Cum Laude, pitong Magna Cum Laude at 20 Cum Laude ang nasa listahan ng OWWA scholars.
Ipinagmalaki rin ni Dimzon na isa pang anak ng OFW na si Stanley Dalisay na nagtapos ng Medical Technology sa UP Manila ay nasa Estados Unidos na ngayon at kaisa-isang OWWA scholar na nag-aaral sa West Point Academy.
- Latest