MANILA, Philippines - Isa pang Army officer ang nasawi sa patuloy na gulo sa Zamboanga City na nasa ika-17 araw na.
Kinilala ang nasawing opisyal na si Lt. Francis Damian, ng 3rd Light Reaction Company at mula sa PMA Class 2007.
Si Damian ay nasugatan sa bakbakan sa MNLF noong Lunes sa Brgy. Sta Barbara subalit binawian ng buhay sa Ciudad Zamboanga Hospital nitong Martes.
Si Damian ay ikatlong junior officer ng AFP na napatay sa bakbakan laban sa MNLF breakaway group na lumusob at nang-hostage ng mga sibilyan sa ilang coastal barangay sa lungsod.
Noong Setyembre 19 ay napaslang ng sniper ng MNLF si Lt. John Kristopher Rama ng 3rd LRC, isang US trained unit ng PMA Class 2008 sa Brgy. Sta Catalina sa clearing operations sa lugar.
Noong Setyembre 21 ay nasawi naman si Lt. Florencio Mikael Meneses ng 3rd Scout Ranger Company.
Nasa 105 fighters ni Misuari ang napaslang habang 16 ang namamatay sa tropa ng gobyerno.
Sa kasalukuyan ay mahigit 15 na lamang ang bihag ng MNLF.