ATDF dinagsa ng mga magsasaka

MANILA, Philippines - Mahigit sa 2,000 magsasaka na galing sa iba’t-ibang panig ng bansa ang dumalo sa 2nd year anniversary ng Agri Techno Demo Forum (ATDF) na ginanap sa PIA building sa Visayas Avenue, Quezon City noong Sabado.

Ang ATDF ay isinilang sa programang Maunlad na Agrikultura ni Ka Francis Cansino na napapakinggan araw-araw sa Radyo ng Bayan ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Pawang mga tagapa­kinig sa radyo ni Ka Francis ang karamihan na dumalo sa ATDF na nagnanais na makabatid ng mga bagong teknolohiya sa larangan ng pagsasaka, pag-aalaga ng hayop, tulad ng baboy at manok at pag-aalaga ng isda, sa pamamagitan ng orga­nikong pamamaraan.

Pinasaya ni Agriculture Sec. Proceso Alcala ang mga dumalo sa ani­bersaryo ng ATDF dahil sa pagbibigay nito ng ibat-ibang pa-raffle tulad ng mga gamit sa pagbubungkal ng lupa, grass cutter, bigas, tatlong kalabaw at iba pa.

Inihayag ni Sec. Alcala ang kanyang buong suporta sa mga organizer sa pangunguna ni Ka Francis, Sonny Estrella, at iba pang opisyal ng Agri Techno Demo Forum; Kapampangan Development Foundation na pinamumunuan ni Sylvia Ordonez; gayundin sa bagong tatag na Golden Beans and Grains Produ­cers Cooperative (GBGPC) na pinamumunuan ni Dok Nilo Dela Cruz na nangakong ipapalaganap ang pagtatanim ng wonder crop na organic soya sa bansa.

Nakiisa rin sa anibersaryo ng ATDF ang Philippine National Red Cross, Gen. Richard Albano, director ng QCPD na siyang nagbigay ng seguridad sa paligid; Philmech; Central Luzon State University, BFAR, Bureau of Plant and Industry at iba pang sa­ngay ng DA na nagbigay ng libreng binhi ng Soya sa pangunguna ni Ma’am Jenny Castañeto.

 

Show comments