Lola sapul ng mortar habang nagluluto, patay

MANILA, Philippines - Isang 71-anyos na lola ang nasawi habang nagluluto ito ng almusal para sa security forces makaraang aksidenteng tamaan ng pagsabog ng mortar ang tahanan nito sa Don Alfaro Street, Bgy. Tetuan, Zamboanga City nitong Sabado ng umaga.

Ang pagsabog ay sa gitna na rin ng standoff sa pagitan ng security forces ng pamahalaan at ng rouge Moro National Liberation Front (MNLF) na nasa ika-13 araw na kahapon.

Bandang alas-7:50 ng umaga, ayon sa Zamboanga City Police, nang mangyari ang aksidenteng pagtama ng sumambulat na mortar sa tahanan ng biktima na si Norma Lladones. 

Ang Bgy. Tetuan ay may layong hanggang 3 kilometro mula sa Bgy. Sta Catalina at Sta. Barbara kung saan patuloy pa rin ang sagupaan sa pagitan ng magkabilang panig.

Si Lladones ay idi­neklarang dead on arrival sa Western Mindanao Medical Center sanhi ng pagsabog. 

Ang nasabing matanda ay kabilang sa mga residenteng nagbibigay ng pagkain bilang suporta sa tropa ng pamahalaan.

Sa ulat, abala sa pag­luluto ang matanda para sa mga pulis at sundalo na nakikipagbakbakan sa nalalabi pang rouge MNLF nang malasin itong masapul sa pagsambulat ng mortar.

Napinsala sa pagsabog ang bubungan, konkretong dingding malapit sa kusina at bintanang gawa sa jalousie sa tahanan ng biktima.

 

Show comments