PNoy hindi ‘missing’ - Palasyo

MANILA, Philippines - Ipinagtanggol ng Ma­la­cañang si Pangulong Aquino sa mga batikos na “mis­sing in action” ito habang nasa Zambo­anga City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin La­cierda, bagama’t hindi na­kikita ng taumbayan ang Pangulo habang nasa Zam­­boanga City ay hindi nangangahulugan na wala itong ginagawa.

Ayon kay Lacierda, ang inatasan ng Pa­ngulo na regular na magbi­gay ng updates ukol sa Zambo­anga incident ay sina DILG Sec. Mar Roxas­ at DSWD Sec. Dinky So­liman.

Aniya, habang nasa Zamboanga City ang Pa­ngulo upang personal na tutukan ang sitwasyon ay regular naman ang ginagawa nitong pakikipagpulong sa kanyang Gabinete.

Umani ng batikos si PNoy dahil sa hindi nito pagpapakita sa publiko habang nasa Zamboanga City. Biyernes ng dumating ang Pangulo sa Zamboanga City subalit hindi naman ito nagpapatawag ng press briefing o nagbibigay ng update sa publiko.

Tumanggi namang kum­pirmahin ng Palasyo kung hanggang kailan mananatili ang Pangulo sa Zamboanga City para sa security concern nito at kung nasaan ang eksaktong lokasyon nito dahil hindi nakikita ng publiko ang Pangulo mula ng magtungo ito sa Zambo­anga City ng pumutok ang krisis.

Siniguro naman ng Pangulo na hindi siya aalis­ ng Zamboanga City hanggang hindi nalulutas ang krisis na nilikha ng MNLF-Misuari faction kasabay ang paniniguro na hindi na mauulit ang bangungot na ito.

Hindi naman masi­guro ng Pangulo kung hanggang kailan pa tatagal ang kri­sis pero sini­guro na prayoridad pa rin ng gobyerno ang kaligtasan ng natitirang bihag.

Show comments