Senate Media nag-black protest

MANILA, Philippines - Nagsagawa kahapon ng ‘black protest’ ang mga miyembro ng media na nagko-cover sa Senado dahil sa mala-diktador na pamamalakad na ipinatutupad ngayon ng Public Information and Information Bureau (PRIB) na pinamumunuan ni Bureau Director Raymundo R. Corro.

Nagkaisa kahapon ang mga miyembro ng Se­nate media na magsuot ng kulay itim na damit para i-protesta ang banta ng tanggapan ni Corro na tatanggalan ng media accreditation ang sinumang mag i-interview sa sinumang senador habang may sesyon kahit pa sa gilid lamang ng session hall.

Tinangka ng mga miyembro ng media na makuha ang panig ni Sen. Bong Revilla tungkol sa kinakaharap na kasong plunder habang nakaupo ito malapit sa gilid ng plenaryo na naging dahilan upang magpalabas ng media advisory si Corro.

“Similar violation will cause the automatic revocation of reporters’ or their media outfits’ accreditation in the Senate roster,” babala ng media advisory ni Corro.

Simula ng manungkulan si Senate President Franklin Drilon, ipinagbawal nito ang nakagawiang pag-iinterview sa mga senador sa loob ng plenaryo bago magsimula ang sesyon kahit pa nagagawa ito sa mga nagdaang Kongreso.

Mistulang sinasala na ng PRIB ang mga senador na nais nilang ipa-interview sa media na dinadala sa isang itinalagang briefing room.

Maging si Senator Vicente “Tito” Sotto ay pumalag sa ginagawa ng PRIB sa media at tumayo ito sa plenaryo kahapon  upang paalalahanan ang nasabing tanggapan.

Hindi umano maganda ang ginawang paggamit ng mga salita sa media advisory at hindi ito magdudulot ng “harmonious relationship” sa pagitan ng media at PRIB.

Show comments