123 bihag ng MNLF nasagip

MANILA, Philippines - Umaabot sa 123 hostages ang nailigtas ng tropa ng pamahalaan habang tatlong sundalo ang napatay at 10 ang nasugatan sa isinagawang rescue operations sa Zamboanga City kahapon.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan Jr., ang 123 bihag ay nasagip sa loob ng nakalipas na 18 oras sa isinagawang ‘calibrated response’ ng tropa ng gobyerno.

Nabatid na nilusob ng tropang gobyerno ang KGK Building sa Brgy. Sta. Catalina nitong Lunes ng hapon kung saan karagdagang 34 sa mga hostages at 64 pa ang nasagip sa surgical operations naman sa Sta. Barbara nitong Martes ng umaga.

Iniulat rin na binabaril ng mga sniper ng MNLF ang mga tumatakas na hostages bagay na kinondena ng opisyal.

Nalagasan rin ng malaking puwersa sa bakbakan ang grupo ng Misuari faction na ayon kay Tutaan ay karagdagang 20 ang napaslang sa mga kalaban kung saan umaabot na sa 71 ang death toll sa MNLF.

Sa panig naman ng tropang gobyerno nasa anim na ang nasawi sa mga sundalo, tatlo ang napatay sa pulisya at pito sa sibilyan.

Nasa 70% na sa mga lugar na kinubkob ng MNLF ang nabawi na ng tropa ng pamahalaan.

Samantala, agad ding napalaya kahapon ang dinukot na hepe ng Zamboanga City Police at dalawang tauhan sa ika-siyam na araw ng tumitinding krisis.

Kinilala ang opisyal na si Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo, hepe ng Zamboanga City Police at mga tauhang sina PO2 Jeamil Candido Alvarez, ng SWAT at driver na si PO3 Alijean Ibnohasim Dacumos.

Bandang alas-11 ng tanghali kahapon ng magtungo si Malayo sa Sitio Bagtus, Brgy. Mampang upang magsuperbisa sa bakbakan sa nasabing lugar.

Gayunman, hinarang ang opisyal ng grupo ng Misuari faction na pinamumunuan umano ni Commander Akbari at tinangay.

Sinasabing 23 MNLF ang kasama ni Malayo ng ito’y mapalaya.

Samantala, iginiit ni Presidential Peace Adviser Teresita Deles na hindi makikialam ang Organization of Islamic Conference (OIC) sa paglutas ng krisis sa Zamboanga City.

Ayon kay Deles, nilinaw ng Indonesian government na walang formal request ang MNLF-Misuari group sa OIC upang manghimasok sa Zamboanga crisis.

Hindi rin daw hihingi ng tulong ang AFP sa tropang Amerikano.

Sinabi ni Tutaan na ang tanging nakakasagabal sa operasyon upang matapos na ang krisis ay dahil may mga hawak pa ring hostage ang grupo ni Malik, isa sa limang commander ng MNLF na sumalakay sa ilang barangay sa lungsod. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)

Show comments