MANILA, Philippines - Posibleng maapektuhan ang pagdating ng malaÂking remittances sa bansa matapos ang nakatakdang ‘zero remittance’ protest ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t-ibang panig ng mundo sa Setyembre 19.
Ayon sa Migrante International, tinatayang 10,000 hanggang 50,000 OFWs ang makikiisa sa kanilang gagawing pagkilos na may temang “Zero Remittance Day for Zero Pork†bilang pagkondena sa nabunyag na paglustay ng kaban ng bayan at hihilingin na tuluyan nang alisin ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagiging sanhi ng katiwalian sa bansa.
Nanawagan ang Migrante sa kanilang mga kasaping organisasyon o kaalyadong grupo sa buong mundo na makiisa sa nasabing zero remittance protest laban sa mga mambabatas na inaakusahang nambulsa ng kanilang PDAF at ibang mga kasabwat kasunod ng paglutang ng mga whistleblowers laban sa negosyanteng si Janet-Lim Napoles na umano’y utak sa anomalya sa PDAF.
Bukod sa pagtanggal sa PDAF ng mga mambabatas, nais ng mga OFWs na maging ang PDAF ni Pangulong Benigno Aquino ay alisin na rin at maimbestigahan, makasuhan at maparusahan ang mga mambabatas at indibiduwal na ilegal na nakinabang sa nasabing pondo.
Ang protesta ng mga OFWs kontra PDAF ay itinakda sa nasabing araw dahil kasabay ito ng anibersaryo ng Overseas Workers Welfare Assistance Omnibus Policies kung saan nakapaloob sa patakaran na kailangan magbigay ng $25 kontribusyon ang mga OFWs bago magtrabaho sa ibang bansa.