MANILA, Philippines - Itinanggi ng Palasyo na ibinalik ni Pangulong Aquino sa kanyang puwesto si MRT general manager Al Vitangcol dahil sa pagbabanta nito na ibubunyag ang kanyang nalalaman sa MRT 3 scam.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang katotohanan ang haka-hakang ito na ibinalik na ng Pangulo sa puwesto si Vitangcol.
Ayon kay Valte, walang sinuman ang nasa posisyon upang takutin ang Pangulo ng bansa kaya malinaw na espekulasyon lamang ito. Sa kanyang pagkakaalam ay kusang loob na nag-leave si Vitangcol sa kanyang puwesto matapos masangkot sa MRT 3 anomaly.
Isinangkot si Vitangcol sa MRT 3 scam kung saan tinangka raw kikilan ang isang Czech company na Inekon kapalit umano ng kontrata na pagbili ng bagong mga coaches ng MRT.