MANILA, Philippines - Bumalik kahapon sa kaniyang opisina si National Bureau of Investigation (NBI) Director Nonnatus Rojas para mag-impake ng kaniyang mga gamit matapos ang kaniyang pagbibitiw.
Naging madamdamin ang muling pagharap sa media ni Rojas at nagsabing nakausap na niya si Pangulong Aquino pero buo na ang kanyang desisyon na magbitiw sa tungkulin.
Mabigat aniya sa kaniya ang desisyon subalit pinal na umano ang kaniyang pasiya at walang anumang drama.
Nakausap na rin daw niya ang lahat ng mga deputy director ng kawanihan at naunawaan naman daw nila ang kanyang desisyon.
Para naman sa mga kawani, agent at investigator ng NBI, nagpasalamat si Rojas sa ibinigay sa kanyang pagkakataon na sila ay makatrabaho.
Sa kanya umanong palagay ay napatunayan ng NBI na ito ay isang institusyon na kayang takbuhan ng publiko at naniniwala rin siyang napanumbalik ng institusyon ang imahe nito bilang premier investigative agency ng bansa.
Kaugnay nito, nagmatigas ang dalawang deputy directors ng NBI na hindi sila magbibitiw sa pwesto sa kabila ng panawagan ni Justice Secretary Leila de Lima na mas dapat silang magresign kumpara sa ginawang paghahain ng irrevocable resignation ni Rojas.
Personal na ipinaalam nina Deputy Director for Intelligence Services Reynaldo Esmeralda at Deputy Director for Special Investigation Services Ruel Lasala ang kanilang desisyon na manatili sa pwesto kay de Lima subalit hindi naman sila nagpa-interview sa media ukol sa kanilang dahilan.
Ayon kay de Lima, hindi naman niya maaring pwerÂsahin ang dalawa na magbitiw, dahil ang resignation ay dapat ginagawa ng boluntaryo.