Ambush sa PDEA agents, silat
MANILA, Philippines - Isang kilabot na gun-for-hire na inupahan umano para tambangan ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasakote sa loob ng compound ng pension house na tinutuluyan din ng mga operatiba sa Zamboanga del Norte.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nahuling suspek na si Julman Asim y Alaban, alias Baolo, 30, hinihinalang tulak ng shabu at residente sa Pantokan, Barangay Poblacion, Siocon, Zambonga del Norte.
Si Asim ay nakakalaya sa piyansa dahil sa kinakaharap na kasong homicide sa Regional Trial Court (RTC) Branch 27 sa Siocon, Zamboanga del Norte. Pamangkin umano siya ng hinihinalang miyembro ng Esnai-Banguih Drug Group na si Nolidor Asim, alias Kuls, na may kinakaharap namang kasong paglabag sa RA 9165 at illegal possession of firearms and ammunition sa RTC, Branch 27 sa Siocon.
Batay sa ulat naka check-in sa naturang pension house ang mga ahente ng PDEA para dumalo sa isang court hearing doon ng masita si Asim na may nakasukbit na caliber Colt .45 pistol sa kanyang baywang sa loob din ng compound.
Tinangka umanong bumunot ng baril ni Asim pero naagapan siya ng mga awtoridad.
Nakumpiska kay Asim ang nasabing baril na may magazine na puno ng bala, isang bandolier na may 19 bala ng 12-gauge shotgun, 3 magazine ng M-16 na puno ng bala at cellphone na may nakasaad na message ng planong pag-ambush sa mga agent ng tropa ni Asim.
Si Asim ay inupahan umano ng asawa ni Nolidor Asim na si Parida para likidahin ang mga agent ng PDEA na humuli kay Nolidor noong Marso 2013 dahil din sa droga.
Kinasuhan ang suspek ng paglabag sa RA 10569 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition.
- Latest