Mas mataas na parusa sa carnapping ihihirit

MANILA, Philippines - Dahil sa tumataas na bilang ng kaso ng carnapping, nais ni Sen. Chiz Escudero na itaas ang parusa sa 20 taon at isang araw na pagkabilanggo bilang “minimum” na penalty kung walang mangyaya­ring violence o intimidation.

Kung mayroon namang violence o mangyayaring karahasan, ang parusa ay gagawing 30 taon pagkabilanggo pero hindi dapat lumampas sa 40 taon mula sa kasalukuyang 17 taon hanggang 30 taon pagkabilanggo.

Sa Senate Bill 596 ni Escudero, sinabi nito na kalimitan ay napakada­ling gawin ang kasong carnapping kung saan ang ninanakaw na sasakyan ay nagagamit pa sa ibang krimen katulad ng robbery, murder at kidnapping.

Hindi na umano sapat ang parusa sa kasaluku­yang batas at maituturing na itong inutil.

Sa panukala ni Escudero hindi na papayagang makapagpiyansa ang sinumang mahaharap sa kasong carnapping lalo pa’t matibay ang ebidensiya laban sa akusado.

Sa ngayon umano ay tinitingnan ng batas ang carnapping bilang “less serious crime” kaya paulit-ulit na nagagawa dahil maaaring makapagpiyansa ang akusado.

Sa Section 142 ng Anti-Carnapping Law, ang pinakamababang parusa ay pagkabilanggo ng hindi bababa sa 14 na taon pero hindi naman dapat lumampas sa 17 taon at apat na buwan.

 

Show comments