MANILA, Philippines - Nagdesisyon ang Commission on Elections (COMELEC) na palawigin hanggang sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang bisa ng mga gun ban exemptions na ipinalabas nito para sa May 13 midterm elections.
Batay ito sa COMELEC Resolution 9735 na nagtatakda rin ng panuntunan kaugnay ng pagkuha ng mga ‘security detail’ ng mga kandidato sa Barangay at SK Elections.
Ipinaliwanag ni COMELEC Commissioner Lucenito Tagle na hindi na kailangan pang magpa-renew ang mga nabigyan na ng gun ban exemption noong May 2013 polls.
Ang aprubadong aplikasyon naman para sa pagkuha ng security personnel noong midterm elections ay kinakailangang sumailalim sa renewal.
Sa ilalim ng Calendar of Activities ng COMELEC, ang pagbabawal sa pagdadala ng baril ay magsisimula sa ika-28 ng Setyembre na siya ring opisyal na simula ng panahon ng eleksyon.