Reyes panalo kahit sa hometown ng kalaban

MANILA, Philippines - Inihayag ni Marinduque Congresswoman Gina Reyes na tinalo niya si dating Congressman Lord Alan Jay Velasco noong nakalipas na  May 13 midterm elections kahit sa hometown ng huli.

Ang pahayag ni Reyes ay kanyang ginawa bilang reaksiyon sa ulat na ipinagkakalat umano ni Velasco na siya ang karapat-dapat na umupo bilang representante ng Marinduque sa Kamara.

Sinabi ni Reyes, malinaw na siya ang nanalo sa eleksiyon sa Marinduque matapos na makakuha ng 52,209 na boto o lamang na mahigit 3,800 boto laban kay Velasco, na siyang dating incumbent congressman ng lugar.

Aniya, maging sa ba­yan ng Torrijos na siyang hometown ni Velasco, si Reyes umano ang nanalo sa eleksiyon matapos na makakuha ng botong 6,151 kumpara sa boto ni Velasco na umabot lamang ng 6,047.

Matatandaang dinis­kuwalipika ng Comelec at ng Korte Suprema si Reyes dahil lamang sa isang blog na nagsasabing isa itong foreign citizen at ang ebidensiya ay isang Xerox copy lamang.

Nanindigan si Reyes na sa Pilipinas siya ipinanganak ng kanyang mga magulang na parehong Pilipino at naging American citizen lamang nang makapag-asawa ng isang American national, pero tinalikuran nito ang pagiging  foreign citizenship sa harapan ng isang public officer o administrator bago pa man siya tumakbo sa halalan.

Show comments