Albay gob. umapela sa kuryente

MANILA, Philippines - Nanawagan si Albay Gov. Joey Salceda sa kanyang mga kalalawigan na tulungan siyang maibalik ang kuryente ng Albay Electric Cooperative (ALECO), na pinutol ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) noong Martes dahil sa hindi pagbabayad ng utang.

Ayon kay Salceda, ang krisis ng ALECO ay krisis din ng buong Albay. Ang pinakahuling balita ay nagpapahiwatig na baka makabit uli ang kuryente ng ALECO sa Agosto 2, bandang tanghali.

“Kailangan ko ng suporta ng lahat, lalo na dahil pati yung mga tapat na nagbayad ng kunsumo nila sa kuryente ay nadadamay sa krisis. Tinitiyak ko sa mga kalalawigan ko na pati lupa at langit niyuyugyog ko na para mabalik ang kur­yente natin,” pahayag niya.

Nagmamakaawa si Salceda sa mga kinauukulan na kaagad ibalik ang kuryente sa Albay dahil ang kawalan nito ay makasisira sa kabuhayan ng lalawigan at magbibigay ng masamang pangitain sa labas ng bansa.

Sa kasalukuyang mga pangyayari, sinabi ni Salceda na tatlong simpleng layu­nin ang nais nilang matupad: 1) matulungan ang ALECO na maibalik ang kuryente sa lalong madaling panahon; 2) tiyaking hindi na mauulit ang diskoneksyon; at 3) mapabababa ang presyo ng kuryente sa matagalan.

Show comments