MANILA, Philippines - Mariing itinanggi kahapon ng pamunuan ng National Printing Office (NPO) ang bintang sa kanila ng Land Transportation Office (LTO) na siyang may dahilan kung bakit walang maipamigay na stickers ang LTO sa mga naiparerehistrong sasakyan.
Sinabi ni NPO Administrator Raul Nagrampa, walang silang kontrata sa LTO ngayon para mag-print out ng mga stickers.
Niliwanag ni Nagrampa na dapat malaman ng publiko na may limang taon na o noon pang taong 2008 natapos ang kontrata nila sa LTO para sa pag- iimprenta ng anumang papel, resibo o stickers nito at magmula noon ay may ibang kinontrata ang LTO sa paggawa nito.
Mali anya ang pahayag ng Property Division ng LTO na ituro sa kanila ang sisi sa kawalan nito ng stickers para sa mga nairerehistrong sasakyan dahil wala naman silang existing contract dito.
Hindi naman anya humihingi sa kanila ng tulong ang LTO para maibsan ang problema ng ahensiya sa kawalan ng stickers para sa mga sasakyan.
Mahigit na ring isang taon na patuloy ang dagsa ng reklamo ng mga motorista sa ibat ibang panig ng bansa partikular sa Metro Manila dahil sa kawalan ng stickers at car plates na maibigay ang LTO sa mga car registrants.