Marinduque 2 ang solon

MANILA, Philippines - Nagkakaroon ng kalituhan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung sino ang mauupong bagong kongresista ng Marinduque dahil da­lawa ang naiproklamang mambabatas ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Deputy Majority leader Rodolfo Fariñas, bagamat nakasaad sa Article VI section 17 ng constitution na ang Senado at House of Representative Electoral Tribunal (HRET) ang may sangkop sa lahat ng usapin na may kaugnayan sa election, ang Comelec pa rin ang may hurisdiksyon sa isyu nila Congressman Lord Allan Jay Velasco at Gina Reyes base sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema.

Ito ay dahil si Reyes ay hindi pa nakaupo bilang kongresista bago magsimula ang kanyang termino sa Hunyo 30.

Matatandaan na nauna nang iprinoklama ng Comelec si Reyes at nanumpa na rin ito kay Pa­ngulong Noynoy Aquino ng ipadiskwalipika ito ng poll body at kahapon ay pormal naman iprinoklama na si Velasco.

Dahil umano sa nasabing desisyon kayat nagkakaroon ngayon ng kalituhan kung sino ang susundin sa pagitan ng Comelec at HRET.

Ayon naman kay House Speaker Feliciano Belmonte, pag-aaralan nila kung sino ang papaupuin sa Kamara sa pagitan ni Reyes at Velasco.

Subalit hindi naman masabi ni Belmonte kung makakapaglabas ng desisyon ang Kamara bago mag-State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Aquino sa Lunes.

Show comments