Bus terminal inispreyan ng anti-dengue

MANILA, Philippines - Nagsagawa na ng anti-dengue spraying at disinfection sa mga terminal ng bus sa Avenida, Maynila ang Department of Health kahapon.

Sinabi ni DOH-NCR Regional Director Eduardo Janairo na layon nito na tuluyan nang malipol ang mga lamok na namamahay sa lugar.

Tiniyak din ni Dr. Janairo na makalipas ang dalawang linggo sila ay muling mag-i-spray upang mas maging epektibo. 

Pinaalalahan din ang mga opisyal ng mga bus company sa Avenida sa Maynila na palagiang maglinis ng kanilang terminal lalo na sa kanilang mga CR, bukas na kanal at mga basurahan, kusina, bubungan at iba.

Sinabi ni Janairo na ang pag-alis sa pinag-iitlugan ng lamok ang pinaka-epektibong panlaban kontra dengue.

Kasama ng DOH sa disinfectation activity ang Philippine Rabbit Bus Co., Genesis Transport Inc, Bataan Transit, Five Star Bus Co., Saulog Transit, Candon Bus Liner, Santrans, at iba pang kumpanya ng bus sa Rizal Avenue sa Avenida.

Sa record ng DOH, sa NCR ay aabot sa 3,629 dengue cases ang naitala mula Enero 1 hanggang Hunyo 29, 2013. Ang Quezon City ang may pinakamaraming kaso ng sakit.

 

Show comments