Pagpapalit ng PNP uniform binatikos
MANILA, Philippines - Umani ng batikos sa social networking sites ang planong pagpapalit ng Philippine National Police (PNP) ng kulay at disenyo ng uniporme ng kanilang mga opisyal at personnel.
Ito’y kasunod ng isinagawang “cop walk†o fashion show ng mga pulis nitong Huwebes ng gabi sa Camp Crame kung saan rumampa ang mga pulis at ipinakita ang iba’t ibang disenyo at kulay ng uniporme na plano ng mga itong ipalit sa kanilang kasalukuyang uniporme na matingkad na asul.
Sa nasabing “cop walk†ay nagpakita rin ng mga diÂsenyo ang ilang independent designers at fashion icons na sina Rene Salud at Eddie Badeo.
Ayon sa ilang komento sa social networking sites tulad ng facebook, twitter, instagram, my space at iba pa sa halip umanong pagpapalit ng uniporme ay ang imahe ng mga pulis ang dapat baguhin.
May mga nagsasabi ring dagdag na pondo lamang umano ito lalo pa’t umaabot sa 148,000 ang puwersa ng PNP na kailangang magpalit ng ilang set ng uniporme.
May mga pumapabor rin na mapalitan na ang lumang disenyo at kulay ng uniporme ng PNP na para sa tuluyang pagbabago sa imahe ng PNP na nabahiran dahil sa mga scalawags nitong miyembro.
Una ng sinabi ni PNP Chief Director General Alan Purisima na nais ng PNP na palitan na ang matingkad na asul na uniporme ng mga pulis ng mapusyaw na asul na polo.
Nauunawaan naman ni PNP Public Information Office Chief P/Chief Supt. Reuben Theodore Sindac ang nasabing mga komento at iginiit na maari namang pagsabayin ang pagpalit ng uniporme at pagbutihin ang kanilang performance.
Sabi pa ni Sindac na bahagi lamang ng kabuuang transformation plan ng PNP ang planong pagpapalit ng kanilang mga uniporme.
- Latest