MANILA, Philippines - Umiwas si Pangulong Benigno Aquino III na matanong ukol sa isyung isinasangkot ang kanyang ate at bayaw sa sinasabing MRT 3 scam matapos tumangging magpa-interbyu ito sa mga mamamahayag.
Hindi na pinagbigyan ni Pangulong Aquino na makapanayam ito ng Malacañang mediamen at local mediamen sa pagdalo nito sa ika-66 taong anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF) sa Clark Air Base sa Angeles City, Pampanga, kahapon.
Ayon sa source, nang malaman na kasama sa itatanong ng mediamen ang reaksyon ng Pangulo ukol sa umano’y pagkakasangkot ng kapatid nitong si Ballsy Aquino-Cruz at asawa nitong si Eldon Cruz sa tangkang ‘pangingikil’ umano sa isang Czech company ay kaagad ipinaalis ang ‘question’ na ito.
Nang sumang-ayon ang mediamen na palitan na lamang ang tanong at hindi na ungkatin ang pagkakasangkot ng kapatid ng Pangulo sa nasabing MRT 3 isyu ay biglang kinansela naman ang ambush interview.
Ipinangako na lamang ng Malacañang na ngayon (Martes) na lamang magpapaunlak ng interbyu ang Pangulo sa event sa Camp Crame.
Napag-alaman pa na isang dating opisyal ng Cory government ang tumawag sa isang anchor ng radyo kung saan ay sinabi nitong nakikiusap ang isang kapatid ng Pangulo na itigil na ang isyu dahil wala namang katotohanan ito.