MANILA, Philippines - Nilusob kahapon ng mga commuters at nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Transportation ang Communication (DOTC) sa Ortigas sa Pasig City na tumututol sa planong pagtataas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) sa Agosto at sa susunod na taon.
Mariing kinondena ng mga miyembro ng Riles Laan sa Sambayanan (RILES) Network ang anunsiyo ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya hinggil sa implementasyon ng P10 fare hike increase sa LRT at MRT.
Upang ipakita ang epekto ng fare hike sa riding public, nagpakita rin ang mga nagpuprotesta ng malaÂking tren na papel na sumasagasa sa mga ordinaryong mamamayan.
Ayon kay Sammy Malunes, governor at tagapagsalita ng Riles Network, isang malaking pahirap sa riding public ang taas-pasahe sa LRT at MRT.
Naniniwala rin si Malunes na layunin lamang nito na hikayatin ang malalaking negosyo na i-bid ang privatization ng train system sa bansa.
Iginiit pa ni Malunes na may karapatan ang mga Pinoy sa abot-kaya, episyente at ligtas na mass transport system, at tungkulin ng pamahalaan na i-subsidize ang naturang transport system.
Hinimok rin ng grupo ang pamahalaang Aquino na i-renegotiate ang kontrata sa pribadong sektor kaugnay sa MRT at LRT na may obdyektibong bawasan ang subsidy na napupunta sa business profits at dagdagan ang subsidy para sa improvement ng mga tren.
Nabatid na ang P10 average increase para sa LRT Lines 1 at 2 at MRT ay isasagawa sa dalawang equal stages hanggang 2014, kung saan ang P5 increase ay ipapatupad ngayong Agosto 2013 at ang ikalawang P5 increase naman ay sa susunod na taon.