Tambahalang ‘Bong at Bongbong’ sa 2016 lumutang

MANILA, Philippines - Lumutang ang posibleng tambalan nina Senators Ramon ‘Bong’ Revilla at Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa presidential elections sa 2016 kahit pa magkahiwalay na sinabi ng dalawang senador na hindi pa sila pormal na nag-uusap.

Unang sinabi ni Marcos na nag-umpisang lumutang ang posibilidad na maging magka-tandem sila ni Revilla ng bumisita ito sa Ilocos.

Nagbiro pa si Marcos na mas mapapadali ang kanilang kampanya dahil  madaling tandaan ang “Bongbong” at “Bong”.

“Nag-umpisa yan sa Ilocos nang pumunta si Senator Bong sa amin tinanong sa akin puwede ba yon, Bakit hindi? Hayun nagkalat na…Anything is possible. Para namang hindi kayo sanay sa politika. Never say never ika nga. Bongbong at Bong, ha? At least madali ang kampanya. Napakasimple di ba?” sabi ni Marcos.

Sa isang panayam sa telepono kahapon kinumpirma ni Revilla na may mga nagpapalutang ng posibilidad na magka-tandem sila ni Marcos sa 2016 pero masyado pa aniyang maaga ang magsalita sa  ngayon.

Ayon pa kay Revilla sa ngayon ay pinagha­handaan na lamang niya kung ano ang dara­ting sa buhay niya dahil naniniwala pa rin ito sa “destiny”.

“Basta’t tayo’y naghahanda para kung ano talaga ang darating sa buhay natin, destiny yan e. Kung talagang doon tayo tutulak ng tadhana, at least handa tayo. Kung hindi man, at least nakapaghanda tayo,” sabi ni Revilla.

 

Show comments