PLLO sec. palitan na - Jinggoy

MANILA, Philippines - Kung si acting Senate President Jinggoy Estrada ang masusunod, nais nitong mapalitan na sa puwesto si Presidential Legislative Liaison Office Secretary Manuel Mamba matapos umabot sa 70 panukalang batas ang na-veto ni Pangulong Aquino nitong 15th Congress.

 Ayon kay Estrada, maliwanag na hindi nagagawa ni Mamba ang kanyang trabaho at hindi naipapahatid sa Senado ang mga panukalang hindi na dapat ipasa dahil hindi naman ito malalagdaan upang maging ganap na batas.

Naniniwala rin si Estrada na ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng Malacañang at ng Senado ang dahilan kaya hindi naipaparating sa Mataas na Kapulungan ang mga posibleng maaprubahan o hindi maaaprubahan ng Palasyo.

Bukod sa hindi umano nakipag-koordinasyon kay dating Senate President Juan Ponce Enrile si Mamba hindi rin ito nakikipag-usap sa mga senador.

Sinabi rin ni Estrada na isang beses pa lamang niyang nakikita si Mamba at ito ay sa isang caucus ng mga senador tungkol sa sin tax measure.

Nanghihinayang si Estrada sa panahon at pera na nasayang sa pagdinig ng halos 70 panukalang batas pero hindi naman naipasa.

Idinagdag pa nito na kumpara sa mga nakaraang PLLO hindi man lamang nag-courtesy call sa mga senador­ si Mamba.

Show comments