MANILA, Philippines - Tinaya ng PAGASA na sa pagpasok ng buwan ng Hunyo ay tag ulan na.
Ayon kay Meno Mendoza, weather specialist ng PAGASA, dahil madalas na ang mga pag-uulan at nagsisimula nang magpakita ng mga senyales ang mga weather stations nila para sa inaasahang pagsisimula ng pag-ulan sa pagpasok ng buwan ng Hunyo.
Sinabi ni Mendoza na batay sa latest monitoring ng kanilang tanggapan, ang Chinese garden station nila sa Maynila ay nagtala ng 24mm na tubig, ang Cavite Sangley point station nila ay nakatikim na ng 2 araw na pag-ulan at ang Port Area Manila station nila ay nakatikim na ng pag-ulan mula kahapon.,
Ani Mendoza, kailangan ay 25mm na tubig ang maitala sa bawat station na nabanggit, ang senyales na ng tag-ulan sa bansa.
Sinabi ni Mendoza, ang naranasan na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat kahapon ay sanhi lamang ng pagsasalubong ng hangin mula sa timog- silangan at ang ulan na naranasan kahapon ay hindi pa senyales ng tag-ulan.
Inanunsiyo din nito na sa buwan ng Hunyo naman ay isa o dalawang bagyo ang inaasahang pumasok sa bansa at wala namang nababanaagang bagyo na papasok sa bansa bago matapos ang buwan ng Mayo ngayong taon.