MANILA, Philippines - Ikinatuwa kahapon ng dalawang senador ang ginawang paglagda ni Pangulong Aquino sa batas na magpaparusa sa nagpapakalat ng double dead na karne o mas kilala sa tawag na botcha.
Ayon kina Senators Manny Villar at Francis Pangilinan, dapat lamang magkaroon ng batas na magpapataw ng parusa laban sa mga nagpapakalat ng botcha upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Papatawan ng parusang pagkabilanggo ng hanggang 12 taon at multang mula P100,000 hanggang P1 milyon ang sinumang mahuhuling nagpapakalat at nagbebenta ng botcha.
Lumabas sa isinagawang hearing sa Senado na nagagawan ng paraan ng ilang meat traders na magmukhang sariwa ang mga double dead na karne.
Sinabi nina Villar at Pangilinan na napapanahon ang pagpasa ng nasabing batas dahil sa halip na ilibing ang mga namamatay na hayop ay pinagkakakitaan pa ng ilang tiwaling negosyante.