Proklamasyon ng 9 Senators illegal -Lawyer

MANILA, Philippines - Illegal umano ang isi­nagawang proklamasyon sa top 9 winning senators na una nang iprinoklama ng Commission on Election (Comelec) nitong Huwebes at Biyernes ng gabi kaya pinapaulit ito.

Ayon kay Atty. Romu­lo Macalintal, kilalang election lawyer, wala na siyang plano pang pigilan ang nagpapatuloy na canvassing at inaasahang proklamasyon pa ng tatlo pang natitirang winning senators.

Sinabi ni Macalintal, naninindigan siyang illegal ang proklamasyon sa top 9 kaya’t dapat na uli­ting muli ang pag-proklama sa kanila.

Hinimok ni Macalintal ang mga senators-elect na isauli ang kanilang Certificates of Proclamation dahil hindi umano nakalagay ang bilang ng kanilang nakamit na boto, maging ang ranggo nila sa eleksiyon.

“Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng halalan na iprinoklama ang mga nanalo na alphabetically. Dapat ay inihayag ang mga nanalo sa pamamagitan ng kanilang ranking at hindi base sa pagkakasunod-sunod ng kanilang apelyido,” ani Macalintal.

Iginiit ni Macalintal, dapat ay hinintay na lamang ng National Board of Canvasser (NBOC) ang pagdating ng natitira pang Certificates of Canvass (COC).

Nagbabala rin si Macalintal na ang proklamasyon batay sa ‘grouped canvass reports’ lamang ay maaaring maging pa­ngit na halimbawa o precedent para sa nakatakdang presidential elections sa taong 2016.

Matatandaang sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na ibinase nila ang proklamasyon sa ‘grouped canvass report’, na ginamit nila para tukuyin kung sinu-sinong kandidato ang pasok sa Top 12.

Ang naturang report umano ay ipinadala sa Comelec sa pamamagitan ng fax, at naglalaman ng mga botong nakuha ng mga kandidato sa lahat ng posisyon at bilang ng mga rehistradong botante.

Kabilang sa mga naiproklama na ng NBOC ay sina Grace Poe, Loren Legarda, Alan Peter Ca­yetano, Francis Escudero, Nancy Binay, Sonny Angara, Bam Aquino, Antonio Trillanes IV at Koko Pimentel.

Kung pagbabasehan ang partial at official tally ng NBOC, inaasahang kukumpleto sa Top 12 sina Cynthia Villar, JV Estrada at Gringo Honasan.

Show comments