MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang Estados Unidos sa Pilipinas at Taiwan na huminahon at manatiling kalmado sa kabila ng kanilang umiigting na tensyon kasunod ng pagkakapaslang ng Philippine Coast Guard sa isang Taiwanese fisherman habang nangingisda sa karagatang sakop ng bansa noong Mayo 9.
Ayon kay US State Department spokesman Patrick Ventrell sa isang report, dapat na maayos ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan nang hindi gumagawa ng anumang hakbang ang bawat panig na magpapalala sa sitwasyon.
Nababahala ang US na lumala pa ang sigalot sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa na kapwa kaalyadong bansa ng Amerika.
Bagaman isang maituturing na positibong aksyon ang ginawang paghingi ng paumanhin ni Pangulong Benigno Aquino III sa pamahalaan Taiwan hinggil sa pagkakapaslang ng isang matandang Taiwanese fisherman na kasamang lulan ng fishing boat ng mga operatiba ng PCG, hindi naman katanggap-tanggap ang katuwiran na hindi umano sinasadya o hindi intentional ang pagkakapatay sa nasabing mangingisda.