Erap, Isko nanawagan ng pagkakaisa

MANILA, Philippines - Matapos ang proklamasyon ng Commission on Election (Comelec) sa kanilang pagkapanalo, nana­wagan naman ng pagkakaisa sina Mayor Elect Joseph Estrada at Manila Vice Mayor Isko Moreno mula sa administrasyon ni Manila Mayor Alfredo Lim.

Ayon kay Moreno, nahati ang Maynila sa panahon ng eleksyon kaya’t oras at panahon na upang  magka-isa. Aniya, isang araw lamang ang halalan at dapat na mu­ling serbisyuhan ang mga Manilenyo.

Nanawagan din si Moreno sa kasalukuyang administrasyon na makipagtulungan sa papasok na pa­munuan upang mapaunlad na maisaayos ang kabuhayan ng mga taga-Maynila.

Sinabi naman ni Estrada na kanyang iaalay ang huling yugto ng kanyang buhay sa Maynila na naging­ malaking bahagi ng kanyang tagumpay.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Lim at katandem nitong si Lou Veloso ang kanilang pagkatalo. Dakong alas-11:15 ng humarap sa mga mamahayag si Lim at Veloso kung saan sinabi ng mga ito na kinikilala nila at nirerespeto ang ka­nilang  panalo.

Nagpasalamat din si Lim sa suporta at tiwala sa kanya ng  mga Manilenyo.

“Thank you and God bless us all. Lahat naman tayo ay gustong mapabuti ang Maynila”, ani Lim.

Kasunod ng naturang anunsiyo naging emos­yunal naman ang mga empleyado at supporter na nakapaligid sa alkalde.

Umaasa si Lim na itutuloy ng administrasyong Estrada ang pagbibigay ng libreng serbisyo sa anim na ospital ng Maynila.

Tumanggi naman si Lim na magbigay pa ng ka­ragdagang pahayag sa media at kaagad na itong pu­­masok sa kanyang tanggapan.

Show comments