P1.2B ‘utang’ ng Tinga admin hahabulin

MANILA, Philippines - Nababahala umano ang kampo ni mayoralty candidate na si Rica Ti­nga at mga kaalyado nito matapos nilang malaman na hahabulin ng administrasyon ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang naiwang utang ng dating administrasyon na nagkakahalaga ng P1.2 billion.

Dahil dito, hinamon ng kampo ni Mayor Lani si Tinga na ipaliwanag kung saan napunta at ano ang pinagkagastusan ng nasabing utang.

Ikinasa ni Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ng Nacionalista Party (NP) Taguig, ang hamon bilang buwelta sa ipinagkakalat umano ng kampo ng mga Tinga tungkol sa Community Development Fund ng 2011 na hindi naman ginamit ng Cayetano administration.

Dagdag pa niya, wa­lang naganap na ano­malya dahil buong-buo ang pondong ito.

Sa halip aniya na puro kasinungalingan ay dapat ipaliwanag ng mga Tinga sa mga Tagui­gueño kung saan ginamit ang P1.2 billion na inutang ng Tinga administration na hanggang sa ngayon ay binabayaran pa ng Cayetano admi­nistration.

“Sa laki ng halagang iyon ilang school building ang maaari sanang naipatayo o di kaya ay nagamit sana ang perang iyon sa pangangailangan para sa health care at iba pang proyekto para sa mga Taguigueño,” wika pa ni Icay na tumatakbong konsehal sa unang distrito ng Taguig.

“Hanggang ngayon, hindi pa naa-account ng nakalipas na administrasyon kung saan nila ginamit ang P1.2 billion. Ang masakit nito kailangan itong bayaran ng Cayetano administration sa mahabang panahon,” pahayag pa ni Icay.

Nakapagbayad na ng halagang P220.3 million noong 2011, P233.5 million noong 2012 at ngayong 2013 ay P312.4 million ang naibayad na ng Cayetano administration sa inutang ng Tinga administration.

 

Show comments