Contractualization binira ni Bam

MANILA, Philippines - Kinondena ni Team Pnoy senatorial candidate Bam Aquino ang umiiral na contractualization sa maraming kumpanya sa bansa na sumasagka sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga manggagawa o empleyado.

Ginawa ni Aquino ang pahayag sa bisperas ng paggunita ng Araw ng paggawa ngayong Miyerkules.

Kaugnay nito, nais ng batang Aquino na isulong sa Senado ang patakaran para sa mga patakaran sa regularisasyon ng mga empleyado at manggagawa.

Pinuna ni Aquino na, sa contractualization, napipigilan ang paglago ng kita at kabuhayan ng mga manggagawa dahil marami sa kanila ang hindi nabibigyan ng mga karampatang benepisyo tulad ng 13th month pay, bonuses at allowances, pati ang mga basic na benepisyo tulad ng sa SSS, PhilHealth, at PAG-IBIG.

May mga datos na nagsasaad na halos kalahati ng mga nagtatrabaho sa non-agricultural industries ay mga contractual workers, lalung-lalo na sa mga sektor ng business process outsourcing (BPO), wholesale and retail trade, manufacturing, at construction.

Balak ni Aquino na magpanukala ng mga insentibo para sa mga kumpanyang tatanggap ng mas maraming mga regular na empleyado imbes na contractual. Pag-aaralan niya ang ilang mga modelo para makahanap ng “middle ground” at mas magandang solusyon para sa mga em­pleyado at mga kumpanya.

Show comments