‘Wrist-band’ vs kahirapan - Erap

MANILA, Philippines - Merong ‘wrist-band solution’ si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa problema ng mahihirap na mamamayan sa Maynila kung sakaling mahalal siyang alkalde nito sa halalan sa Mayo 13.

Sa naturang solus­yon, sinabi ni Estrada na lilikha siya ng mga patrabahong disente at may magandang kita sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor.

“Kapag isang-kahig, isang-tuka, madilim ang buhay at madaling maakit ang tao na pumasok sa iligal tulad ng panghoholdap o pagbebenta ng droga. Kung may magandang patrabaho, bababa ang kriminalidad at magiging ligtas ang ating mga komunidad,” wika ni Estrada. “Yung iba band-aid solution lang ang sagot sa kahirapan. Ako? Wrist-band solution! Bukas-palad at todo-todong pagtulong sa mga naghihikahos pero kamay na bakal para sa mga kriminal na ayaw magbago.”

Nauna rito, sinabi ni Estrada na malaki ang pwedeng kitain ng mga Manilenyo at ng pamahalaan ng Maynila mula sa recycling ng tone-toneladang basura na nalilikha sa siyudad na maaaring pagmulan ng kuryente o gawing bio-fuel.

Para sa tagapagsalita ni Erap na si Margaux Salcedo, malinaw ang naging mensahe ng dating Pa­ ngulo sa kanyang pagbi­sita sa Smokey Mountain, Isla Puting Bato at Parola sa Tondo: Napapanahon na para maging produktibo ang may 160,000 Manilenyo na ayon sa isang sur­vey ng University of the Philippines ay walang trabaho.

Imbes na pagmulan ng pagbaha ang mga basura, iminungkahi ni Erap ang pagpoproseso nito bilang bio-fuel na ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank ay puwedeng pagmulan ng dalawang megawatt ng kuryente.

Mula sa hauling, sor­ting at processing bilang bio-fuel, iba’t-ibang patrabaho ang malilikha na bagay sa mga gradweyt ng technical o engineering courses (sa mga planta) pati na sa mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

“Gaya ng madalas sa­bihin ng aking ina, ‘Ano ka ba Joseph? Hindi mo na tinapos ang iyong pag-aaral, pati pagka-Pangulo mo hindi mo rin tinapos,” wika ni Erap.

“Well, eto’ng pangako ko. Tatapusin ko ang kahirapan. Tatapusin ko ang pagpapaganda sa Maynila na sinimulan ng ama kong si Emilio bilang city engineer ng lungsod.

Show comments